Iminungkahi ng isang senador ang pagbibigay ng maagang Christmas break sa mga estudyante.
Ayon kay Senator Grace Poe, ito’y upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko bunsod ng holiday rush.
Sinabi ni Poe na kakausapin niya sa Lunes si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones para agahan ang Christmas vacation dahil sa inaasahang bibigat ang daloy ng trapiko sa Kapaskuhan.
Matatandaang ilalatag sana ni Poe ang nasabing panukala sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services sa emergency powers kahapon para sa Pangulo upang maresolba ang traffic crisis sa Metro Manila.
Gayunman, walang ipinadalang kinatawan ang DepEd dahilan upang maudlot ito.
Paliwanag ng Senadora, maaari namang bawiin sa mga susunod na buwan ang maagang bakasyon ng mga mag-aaral kung saan hindi na masyadong ‘busy’ ang mga ito.
Matatandaan na sa presentasyon kahapon ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade sa komite ay lumitaw na wala pang linaw kung kailan luluwag ang daloy ng trapiko sa kalakhang Maynila.
By Jelbert Perdez