Hindi pa pinal at maaaring pang mabawi ang pasiya ng korte na maagang palayain si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na nahatulan sa pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.
Ayon kay Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Domingo Cayosa, maaari pang dinggin ng korte ang panig ng pinaslang na si Laude.
Ito aniya ay kung makapagbibigay ng mga bagong ebidensiya o argumento ang kampo ni Laude na hindi maaaring palayain si Pemberton sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA).
Gayunman, sinabi ni Cayosa na kung makapagbibigay ng report ang Bureau of Corrections o mga jail officials na nagsasabing nagpakita ng magandang pag-uugali si Pemberton habang nakakulong, may posibilidad na panigan ito ng korte.
Una nang naghain ng motion for reconsideration ang legal counsel ng kampo ni Laude kung saan kanilang iginiit na walang anumang pruweba na magpapatunay na sinertipikahan ng isang time allowance supervisor ang magandang pag-uugali at pakikibahagi ni Pemberton sa anumang rehabilitation activities.