Naudlot ang maaga sanang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Martial Law sa Mindanao dahil sa namumuong kaguluhan sa Buldon, Maguindanao.
Sa anibersaryo ng AFP-Eastern Mindanao Command sa Davao City, ibinunyag ng Pangulo na may namemeligrong kaguluhah sa bayan ng Buldon, subalit hindi nagbigay ng dagdag na detalye.
Ayon kay Pangulong Duterte, ikinukunsidera niyang tapusin ng mas maaga sa December 31 ang pinalawig na batas militar subalit hindi na matutuloy dahil sa impormasyong nakarating na sa ibang bahagi ng Mindanao ang banta ng terorismo.
Matatandaang nagkaroon ng Joint Command Conference ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa Malakanyang noong Miyerkules at nagbigay ng update sa punong ehekutibo ang kanyang mga security official hinggil sa sitwasyon sa Marawi City at sitwasyong panseguridad sa iba pang lugar sa Mindanao.
Samantala, kumambiyo si Pangulong Duterte sa una nitong pahayag na idamay na rin sa mga pambobomba ng militar ang mga bihag ng grupong Maute upang matuldukan na sa lalong madaling panahon ang kaguluhan sa Marawi.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping
SMW: RPE