Idinepensa ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC ang mga lokal na pamahalaan dahil sa maagang suspensyon ng klase ngayong araw na ito.
Ito’y matapos ulanin ng batikos sa social media ang pagkansela ng klase sa kabila ng pagsilay ng haring araw.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Edgardo Posadas, mas mabuti na ang handa kaysa ang mga alkalde na naman ang masisisi sakaling maipit o ma-stranded ang mga estudyante.
Tiyak naman anyang nakipag-ugnayan ang mga alkalde sa PAGASA na siya nilang ginamit na batayan sa pagsuspindi ng klase.
Una rito, sinabi ng PAGASA na bagamat hindi direktang mananalasa sa bansa ang bagyong Gardo, palalakasin naman nito ang habagat na magdadala ng malalakas na pag-ulan.
(Ulat ni Jaymark Dagala)