Makakaranas ng maaliwalas na panahon ang malaking bahagi ng Luzon maliban nalang sa mga isolated rain showers at thunderstorms na kadalasang nangyayari sa hapon hanggang sa gabi.
Magkakaroon ng panandaliang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang bahagi ng Laoag, Tuguegarao, Baguio, Tagaytay, Legazpi, Puerto Princesa, Kalayaan Islands at Metro Manila.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Obet Badrina, kailangan ng publiko ng ibayong pag-iingat at iwasan ang palagiang paglabas ng bahay.
Mas maaliwalas na panahon naman ang mararanasan sa Visayas at Mindanao maliban na lamang sa mga pulu-pulong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Malaki ang tiyansa ng pag-ulan partikular na sa Samar, Leyte; Bohol; Cebu; Negros Island; Siquijor; Guimaras; at Panay Island.
Asahan din ang pag-ulan sa malaking bahagi ng Mindanao maliban nalang sa mga isolated rain showers at thunder storm sa silangang bahagi partikular na sa Caraga at Davao region.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 26°C hanggang 34°C habang sisikat naman ang haring araw mamayang 5:59 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 6:07 ng hapon. —sa panulat ni Angelica Doctolero