Pormal nang hiniling ni Sen. Manny Pacquiao sa senado na imbestigahan ang aniya’y maanomalyang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).
Nakasaad sa Senate Resolution number 779 na Pacquiao, iginiit nito na kailangang busisiin ang pondong inilaan ng Department Of Social Welfare And Development (DSWD) sa electronic money issuer na starpay.
Ayon kay Pacquiao, kaduda-duda ang pagkomisyon ng DSWD sa starpay gayung hindi naman ito kilala ng publiko at halos hindi nakikita ang mga sangay nito sa iba’t ibang panig ng bansa.
P52 bilyon ang pondong inilaan ng pamahalaan bilang ayuda ng pamahalaan sa lahat ng mga Pilipinong matinding naapektuhan ng nararanasang pandemiya dahil sa COVID-19.
Kaugnay nito, ang makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon ang inaasahang mag-imbestiga sa isiniwalat na usapin ni Sen. Pacquiao.