Kailangang maayos pa ang sistema sa pagtatakda para sa national COVID-19 vaccination program para maiwasan ang pagsisiksikan sa mga vaccination sites.
Ayon ito kay Dr. Benito Atienza, pangulo ng Philippine Medical Association (PMA) na nagsabing partikular na dapat ayusin ay ang timing ng pagbabakuna o oras nang pagpunta ng mga tao sa vaccination sites para hindi masyadong mahaba ang pila o kakaunti lamang ang tao.
Tinukoy din ni Atienza ang pagdadagdag ng vaccinators na tutulong para mas marami pa ang mabakunahan kontra COVID-19 taliwas sa sitwasyon aniya sa Quezon City kung saan marami ang vaccination sites subalit wala namang sapat na health care workers para mag bakuna.
Dapat aniyang madaliin ang pagkuha ng dagdag vaccinators para hindi masayang ang bakuna na malapit na ring mag-expire.
Gayunman tiniyak ni Atienza ang pakikipag-ugnayan sa gobyerno para makatulong sa pagbabakuna lalo na sa mga buwan ng hunyo at hulyo kung kailan inaasahang darating ang malaking supply ng COVID-19 doses.
Kasabay nito ikinatuwa ni Atienza ang pagsasama ng IATF sa mga miyembro ng pamilya ng healthcare workers sa A1 priority group.