Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na mababa sa 10 opisyal ng kanilang ahensya mula sa siyamnaraan at limamut anim na police colonel at generals ang posibleng sangkot sa iligal na droga sa bansa.
Ito ang iginiit ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., matapos ang panawagan ni Interior Secretary Benhur Abalos hinggil sa pagsusumite ng courtesy resignation ng mga tiwaling pulis.
Matatandaang una nang naghain ng courtesy resignation kahapon, ang Chief PNP kasama ang mga miyembro ng command group na sina PNP deputy Chief for Administration PLt. Gen. Rhodel Sermonia; PNP Deputy Chief for Operations PLt. Gen. Benjamin Santos; at Chief Directorial Staff PLt. Gen. Michael John Dubria.
Ayon kay Azurin, bilang bahagi ng internal cleansing sa kanilang hanay, bibigyan lamang ng hanggang January 31 ang mga nasa 3rd level officers ng PNP para magbitiw sa kanilang puwesto.
Iginiit ni Azurin, na ang pagbibitiw ng mga opisyal ng PNP ay hindi lamang sa kanilang hinahawakang posisyon kundi mula mismo sa kanilang serbisyo.