Ikinakasa na ng economic managers ng Marcos Jr. administration ang posibleng pagpapalawig sa mas mababang taripa sa imported pork, rice, corn at coal upang mapabagal ang epekto ng inflation.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, nagpapatuloy ang problema sa inflation kaya’t dapat matiyak na hindi hahantong sa mas mataas na taripa kasabay ng paglobo ng presyo ng mga bilihin.
Nitong mayo nang palawigin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hanggang katapusan ng taon ang Executive Order (EO) 171 na nagtatapyas sa import duties ng karne, bigas, mais at uling sa gitna ng russia-ukraine war.
Sa ilalim ng EO 171, nananatili sa 15% ang tariff rate para sa in-quota, mula sa dating 30% at 25% para sa out-quota pork shipments, mula sa dating 40%.
Nilinaw naman ni Balisacan na kailangan pang dumaan sa proseso ang posibleng pagpapalawig sa bisa ng nasabing kautusan at pinag-aaralan din kung hanggang kailan ito i-e-extend.
Sisimulan na rin anya ng Cabinet-Level Committee on Tariff and Related Matters ang consultation process hinggil sa planong extension ng EO 171.