Nangangamba ang grupong Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) sa pagpapatupad ng Republic Act 11165 o Telecommuting Act na isinabatas kamakailan.
Ang naturang batas ang nagpapahintulot sa isang empleyado sa pribadong sektor na makapagtrabaho sa labas ng opisina sa pamamagitan ng telecommunication o computer.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis, magsisilbing problema ang pag-monitor sa trabaho ng empleyado, mahina at mabagal na internet connection maging ang cybersecurity.
Hindi aniya napapanahon ang pagsasabatas sa Telecommuting Act lalo’t hindi naman lahat ng bahay ay mayroong magandang signal dahil sa kakulangan ng teknolohiya at imprastraktura.
Maaari ring maging balakid ang data secrecy dahil may ilang kumpanyang hindi pumapayag na iuwi ng mga empleyado ang kanilang trabaho.
Naniniwala naman si Luis na maaaring ikunsidera ang nabanggit na batas sa business process outsourcing.