Kinuwestyon ni Senador Koko Pimentel ang COMELEC sa mabagal nitong pagpapalabas ng official list ng mga kandidato sa May 13 midterm elections.
Ayon kay Pimentel, masyado nang naantala ang petsa ng pag-a-anunsyo ng mga official candidate gayong tatlong buwan na lamang ang nalalabi bago ang halalan.
“Pag titingnan natin, delayed na delayed na po kasi dapat Disyembre tapos na po ang lahat ng disqualified cases, January 17 ay ina-announce na yung final list tapos January 22 ay nag-uumpisa na po ng printing ng balota, eh ang nangyari ngayon, sa napansin ko sa announcement nila, hindi parin ito yung announcement ng final list kasi merong pa silang asterisk na babawasan pa daw nila ng posibleng 13, eh January 22 pa dapat ang printing.”
Kinausap na rin anya ni Pimentel ang Kamara upang matugunan ang issue.
“Nag usap kami ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election, si Cong. Sherwin, kako kung pwede kami mag hearing bago kami mag adjourn para tanungin ang COMELEC kung kamusta ang time table ninyo, meron na ba kayong kalendaryo at kung nagbago ba, di ba kayo gipit na gipit na?”
Nangangamba ang senador na maapektuhan ang preparasyon ng poll body partikular ang pag-i-imprenta ng balota dahil sa maka-ilang beses na delay.
“Nakadalawang time table na sila eh. Yung una, binago ng konti. Yung pangalawa, may malaking pagbabago sa version 3. Tatanungin na natin, paano niyo ba ginawa yung version 1, version 2 at 3? Papaano ngayon yun eh ako, ang worry ko, mas maraming balota ang ipi-print ngayon. 61 million yung last kong narinig na ipi-print ng COMELEC. “
(Usapang Senado interview)