Nasa 500 traffic enforcer ang idedeploy ng MMDA para sa inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko sa isasagawang 55th Asian Development Bank annual meeting sa susunod na linggo.
Ipakakalat ang mga enforcer sa mga ADB-Dedicated Routes upang matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga delegado mula airport hanggang hotel, venue at iba pang engagement area.
Ayon kay MMDA acting Chairman Carlo Dimayuga, katuwang ng MMDA road emergency group ang Office of the Civil Defense, Department of Health at Bureau of Fire Protection, na naka-standby upang magbigay ng emergency assistance.
Bukod dito, kokontrolin din anya ng traffic personnels mula sa PNP, Mandaluyong at Pasig Local Government Units, at security forces ng Ortigas Center ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng ADB Routes.
Magsisimula ang ADB Annual Meeting sa September 26 hanggang 30 na inaasahang dadaluhan ng nasa 300 delegado sa Ortigas Center, Mandaluyong City.
Nilinaw naman ni Dimayuga na walang isasarang mga kalsada pero asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa bahagi ng Ortigas at iba pang apektadong ruta, gaya sa EDSA mula Magallanes hanggang Ortigas, Julia Vargas, ADB Avenue, San Miguel Avenue, Guadix Drive, Bank Drive at Saint Francis Street.