Mabigat na daloy ng trapiko pa rin ang naranasan sa unang araw ng pagmamando sa traffic ng mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Kabilang sa mga napaulat na may mabigat na daloy ng trapiko ay ang bahagi ng EDSA Trinoma hanggang EDSA Santolan dulot ng mga provincial buses na kumakaliwa mula sa Southbound lane ng EDSA patungong P. Tuazon.
Matindi rin ang trapik sa Northbound at Southbound lane ng EDSA kaninang umaga.
Batay sa bagong traffic scheme sa EDSA, ang mga provincial buses na may terminal sa Cubao at Kamuning hindi na maaaring dumaan sa EDSA tuwing 6:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga bagkus ay tatahakin ng mga ito ang rutang P. Tuazon patungong C-5 road.
Matatandaang ang PNP-HPG ang inatasan ng pangulong Noynoy Aquino na pangasiwaan ang 6 na chokepoints sa EDSA kabilang ang Balintawak, Cubao, Ortigas, Shaw boulevard, Guadalupe at Taft avenue.
Tinatayang nasa 150 tauhan ng HPG ang ipinakalat ngayon para manduhan ang trapik sa EDSA.
By: Ralph Obina