Asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway o NLEX mula hapon ng Miyerkules Santo, April 12 hanggang umaga ng Huwebes Santo, April 13.
Ito ayon sa pamunuan ng NLEX ay dahil lolobo ng 15% ang bilang ng mga motorista o katumbas ng 250,000 sasakyan na dadaan sa NLEX.
Dahil dito, tiniyak ng NLEX ang dagdag na toll booth kaugnay sa ‘Safe Trip Mo, Sagot Ko’ Program nila ngayong mahal na araw.
Simula April 7 hanggang April 17 ay magdadagdag ang NLEX ng patrol vehicles at enforcers samantalang April 7, 8, 12 at 13 naman ay magbubukas ng dagdag na tatlumpung (30) toll collection points ang Balintawak Toll Plaza mula sa normal na 16 lamang.
10 naman ang idadagdag na collection points ng Mindanao Avenue Toll Plaza, 29 sa Tarlac Toll Plaza at 4 sa Tipo Toll Plaza samantalang 53 naman ang kabuuang toll booths na bubuksan ng Bocaue Toll Plaza.
By Judith Larino