Isinisisi ng Metro Manila Development Authority o MMDA sa mabagal na flood control projects ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang mabilis na pagbaha sa ilang pangunahing lugar sa Metro Manila.
Ito’y makaraan ang biglaang buhos ng ulan nitong isang linggo kung saan, wala pang isang oras nang abot beywang na baha ang bumungad sa kahabaan ng Tomas Morato at Timog Avenue sa Quezon City.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, hindi pa aniya tapos gawin at di pa rin maikonekta sa mainline ang drainage system sa panulukan ng scOut Tobias at Tomas Morato.
Ganito rin ang dahilan ani Tolentino sa iba pang mga lugar tulad ng mga kalye Ma. Clara at Araneta sa Quezon City gayundin sa ilang bahagi ng Maynila at Mandaluyong.
Kaya naman, habang wala pang solusyon ang DPWH sa problema, mano-manong hinihigop ng MMDA ang tubig baha patungo sa kanilang mga trak tuwing umuulan.
DPWH, dumipensa
Agad dumipensa ang Department of Public Works and Highways o DPWH sa mabagal na takbo ng kanilang flood control projects sa iba’t ibang bahaging Kamaynilaan.
Ayon kay DPWH – NCR Dir. Reynaldo Tagudando, bagama’t minamadali na nila ang proyekto, malabo pa rin aniyang maihabol ang mga ito sa posibleng pagpasok ng tag-ulan ngayong linggong ito.
Tulad na lamang ayon kay Tagudando ang flood interceptor project sa Blumentritt sa Maynila dahil bukod sa problema sa right of way, tatamaan din kasi aniya nito ang Chinese General Hospital at ang riles ng Philippine National Railways.
Ang flood interceptor ang siyang sasalo ng tubig baha sa sandaling bumuhos ang ulan at saka ito dadalhin palabas sa Manila Bay.
Gayunman, sinabi ni Tagudando bukod sa mga proyekto ng gobyerno, disiplina pa rin ng publiko ang kailangan partikular na sa tamang pagtatapon ng kani-kanilang mga basura upang masolusyunan ang pagbaha.
By Jaymark Dagala