Pinamamadali ng isang grupo sa Department of Health (DOH) at tanggapan ng Ombudsman ang paglalabas ng resolusyon sa mga reklamong isinampa laban sa dating Administrative Officer ng National Center for Mental Health (NCMH) na si Clarita Avila.
Ito’y ayon sa grupong Pinoy Aksyon for Good Governance and the Environment matapos mabatid na nagkamal umano si Avila ng milyun-milyong piso mula sa inilargang proyekto sa NCMH sa ilalim ng Octant Builders kung saan ay kabilang siya sa mga incorporator nito.
Ayon kay Em Ross Guangco, spokesperson ng Pinoy Aksyon, kailangan ng mabilis na pagtugon sa mga kaso lalo’t nahaharap ang bansa sa matinding pandemya kaya’t walang puwang ang katiwalian sa kasalukuyan.
We appeal to the Ombudsman and the DOH to resolve the cases vs Avila. At this time of COVID-19 pandemic, the government needs to show the people the strong force of the rule of law, if only to assuage them government is there to serve and protect them,” ani Em Ross Guangco, spokesperson ng Pinoy Aksyon.
Magugunita noong 2014, iba’t ibang construction projects ang pinasok ng NCMH sa panunungkulan ni Avila bilang Administrative Officer na naglakahalaga ng P189,700,000 kabilang na ang kontrobersyal na street light project.
Una rito, nakilala si Avila na tumayong whistleblower nang isiwalat nito ang kawalan umano ng malasakit ng NCMH dahil sa kakulangan ng Personal Protective Equipment (PPE) para sa mga frontliners nito.
Gayunman, napag-alamang mali ang mga paratang ni Avila at nabunyag na ginagamit lang nito ang usapin para pagtakpan ang patumpatong na reklamong inihain laban sa kanya.