Patuloy ang paghahanda ng Philippine Red Cross para matiyak ang mabilis na pagtugon sakaling mangyari ang big one o lindol na maaaring yumanig sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig lalawigan.
Kasunod ito ng babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng magdulot ng magnitude 7.2 na lindol kapag gumalaw ang West Valley Fault.
Tiniyak ni PRC Chair Richard Gordon na hindi sila tumitigil sa paghahanda para sa emergency response sa pamamagitan nang pag-upgrade ng kanilang resources at assets para ma-extend ang kinakailangang tulong sa panahon ng isang mass casualty event.
Ayon kay Gordon, kumuha na sila ng mga sasakyang gagamitin sa pag-responde sa malakihang kalamidad tulad ng ambulansya, rescue trucks, blood mobile, fire trucks, for lifts, pay loaders, humvess, water tanker at iba pa.
May mga kagamitan na rin aniya sila na mapapakinabangan sa posibleng malakas na lindol na tatama sa Metro Manila tulad ng generators, tower lights, water bladder, satellite phones at tents para sa temporary shelters at portable comfort rooms.
Sinabi pa ni Gordon na nakahanda na rin ang medical tents at emergency field hospitals ng prc para sa hindi maaasikaso sa mga ospital.
Siniguro naman ni Gordon na sinanay ng husto ang mga staff at volunteers na tutulong at mag-ooperate sa iba’t ibang rescue vehicles.
By Judith Larino