Makapagbibigay ng agarang tulong sa mga tsuper ng public utility vehicles at mga manggagawa sa sektor ng agrikultura ang planong doblehin ang fuel subsidy para sa kanila.
Gayunman, inihayag ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe na dapat tiyakin ng pamahalaan na agarang maipamamahagi ang ayuda dahil labis na ang pagdurusa ng mga PUV driver, magsasaka at kanilang pamilya.
Ito’y dahil anya sa hagupit ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin.
Ayon kay Poe, maka-aasa ng suporta mula sa senadoang mga nasa transport at agriculture sector sakaling kailanganin ang aksyon ng lehislatura para sa dagdag na subsidiya.
Nagsusumikap anya ang mga mamamayan para makaraos sa kahirapang dala ng COVID -19 pandemic at pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng walang patid na oil price increase.
Iginiit ng senador na dapat lamang itongtapatan ng gobyerno ng mabilis at determinadong solusyon upang maipakita ang kakayanang alalayan ang taumbayan. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)