Kasabay sa pagpasok ng taong 2024, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng kanyang administrasyon ng mahusay at mabilis na serbisyo para sa mga Pilipino. Aniya, hindi niya hahayaang maantala ang mga nakalinyang proyekto ng pamahalaan.
Sabi ni Pangulong Marcos, “service delayed is also service denied.” Upang maiwasan ang pagkaantala, ipagpapatuloy ng administrasyon ang pagtanggal sa government rules na nagpapabagal sa pagbibigay ng serbisyo sa mga Pilipino, kabilang na ang mga dokumento at lisensya.
Matatandaang kamakailan lang, pinaalalahanan ni Pangulong Marcos ang mga ahensya ng pamahalaan na labanan ang ganitong uri ng gawain na mas kilala bilang red tape.
Ang red tape ay ang sobrang pagsunod sa formal rules na hindi naman importante. Ayon kay Pangulong Marcos, ito ang kadalasang nagiging dahilan ng underspending at overspending.
Upang maiwasan ang red tape, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Ease of Doing Business Law o Republic Act No. 11032. Pag-amyenda ito sa naunang Anti-Red Tape Act o Republic Act No. 9485 na layong mapabuti ang sistema at mapabilis ang proseso ng pakikipag-transaksyon sa gobyerno. Sa bisa nito itinatag ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) na nangangasiwa sa pagpapatupad ng provision ng naturang batas.
Naniniwala ang ARTA na susi sa pagpapabilis ng pagbibigay ng serbisyo sa publiko ang pagsusulong ni Pangulong Marcos ng digitalization sa bansa, kasama na rin ang streamlining at automation.
Para kay Pangulong Marcos, “When projects get delayed, progress is denied our people.” Kaya upang umunlad ang buhay ng bawat Pilipino at mabigyan ng dekalidad na serbisyo ang lahat, patuloy na pupuksain ng administrasyon ang red tape.