Dapat ng resolbahin ng Commission on Elections sa “lalong madaling panahon” ang mga inihaing disqualification cases laban kay Presidential aspirant at dating Senador Bongbong Marcos.
Ito ang panawagan sa COMELEC ni dating Poll Body Chairman Christian Monsod, na abogado ng isa sa mga petitioner na Pudno nga Ilocano, dalawang araw bago isapinal ng poll body ang listahan ng mga kandidato sa 2022 national at local elections.
Ipinunto ni Monsod na mahalagang desisyunan na ng COMELEC ang mga petisyon sa maayos na paaran upang maiwasan ang pagka-delay ng proseso.
Umaasa rin ang isa sa mga bumalangkas sa 1987 Constitution na i-di-diskwalipika ng COMELEC si Marcos, lalo’t mayroon namang matibay na basehan, partikular ang pagiging convicted sa hindi paghahain ng Income Tax Returns.
Batay anya sa 1994 Presidential decree o Ammended National Internal Revenue Code, Section 286, Paragraph c, sinumang Public official na convicted sa kasong tax evasion ay dapat i-dimiss sa public service at tuluyang i-diskwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, bumoto at lumahok sa anumang halalan.
Binigyang-diin ni Monsod na hindi dapat baliwalian ang mga nasabing basehan lalo’t ang pinaka-mataas at pinaka-mahalagang posisyon sa bansa ang pinag-uusapan at importanteng makamit ang lahat ng kwalipikasyon sa pagka-Pangulo ng sinumang naghahangad sa posisyong ito.