Patuloy na umaapela ang National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na magtipid pa rin sa pagkonsumo ng tubig kahit may nararanasang mga pag-ulan.
Ito’y dahil sa hindi naman nakatulong ang malakas na pag-ulan sa nakalipas na mga araw para madagdagan ang tubig sa Angat at La Mesa dams.
Ayon sa PAGASA hydromet division, nasa 179 na metro ang lebel ng tubig sa Angat dam, ala 6:00 kahapon ng umaga.
Nabawasan ito ng 16 na sentimetro kumpara sa naitalang mahigit 179 na metro o halos lampas na sa minimum operating level na 180 metro.
Maliban sa Angat, bahagya ring nabawasan ang lebel ng tubig sa Ambuklao, Magat at Caliraya dam habang bahagyang tumaas ang lebel ng tubig sa La Mesa na nasa 79 na metro.