Isa umanong uri ng mind conditioning ang ginagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t madalas nitong sinasabi na hindi siya mangingiming magdeklara ng Martial Law.
Ayon sa panayam ng programang Balita Na Serbisyo Pa sa DWIZ kay Senador Antonio Trillanes IV, sinabi ni Sen. Trillanes na isa itong seryosong banta at pinaghahanda rin niya ang publiko sa paglaban sa panibagong diktador.
“Alam niyo seryoso yang banta na yan kaya sabi ko nga lahat ng freedom loving Filipinos ay maghanda na, na lumaban muli sa panibagong diktador”, ani Sen. Trillanes.
Nanawagan rin umano ang senador sa sandatahang lakas ng Pilipinas upang review-hin nila ang konstitusyon upang magamit ito sa sandaling malagay sila sa alanganin.
“Nanawagan ako sa mga miyembro ng sandatahang lakas ng Pilipinas, sa ating mga sundalo na review-hin na nila yung kanilang mandatos sa konstitusyon at baka dumating ang panahon na malalagay sila sa alanganin, sino ba ang susundin nila yung konstitusyon or yung kanilang commander in chief, kinakailangan na handa sila sa debate na yan”, dagdag ni Sen. Trillanes.
Sinabi rin ni Sen. Trillanes na namu-mulso ang Pangulong Duterte kung sino ang mga ko-kontra at ito’y para hindi magulat ang publiko sakaling ideklara na ng Pangulo ang batas militar.
“Kailangan nating paghandaan dahil itong mga sinasabi niyang pagpalutang nyang Martial Law scenario na yan, para masanay, namu-mulso siya tinitignan niya kung sino yung mga ko-kontra, kung marami bang ko-kontra at the same time yung mga kababayan natin pagka maya’t maya mo sinasabi yung magma-Martial Law baka masanay para ngayon pag dumating yung panahon hindi sila ko-kontra, ganyan yung kanilang estilo dyan”, pahayag ni Sen. Trillanes
“Presidente siya ng Pilipinas, lahat ng sinasabi nya dapat ay seryosohin natin, hindi naman yan lokohan itong trabahong pinasukan nya”, dagdag pa ni Trillanes.
By: Meann Tanbio / Cely Bueno / Race Perez
Credits to: Balita Na Serbisyo Pa Program sa DWIZ mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes, 5:00 Pm to 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido