Hindi na papayagan ang pagbiyahe sa ibang bansa ng mga taga-Climate Change Commission maliban na lang kung sobrang kailangan at dapat silang magsumite ng post travel reports.
Ito ang inihayag ni Senator Imee Marcos sa deliberasyon ng panukalang budget ng komisyon para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P120 million.
Ayon kay Senator Marcos, bubuo sila ng probisyon sa General Appropriations Act na nagtatakda ng patakaran sa pagbiyahe ng mga taga-Climate Change Commission.
Naka-dalawampung biyahe na anya ang mga taga-Climate Change Commission kaya’t nais mabatid ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda kung anu-anong komperensya ang kanilang dinaluhan.
Hiningan din ni Legarda ang post travel report sa mga travel abroad ng mga opisyal, staff, consultant at commissioner ng komisyon.
Sa kabila nito, inaprubahan naman sa pagtalakay ng Senado ang panukalang pondo ng Climate Change Commission para sa susunod na taon. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)