Nakaluhod at umiiyak na kinausap ni Sister Ann Rose Nu Tawng suot ang kanyang abito o kasuotang pang-madre ang mga pulis sa Hilagang Myanmar upang itigil ng mga ito ang pamamaril sa mga nagkikilos-protesta laban sa kudetang nagaganap ngayon sa nasabing bansa.
Batay sa video ng Reuters, nagmamakaawa ang madre sa limang pulis habang ang dalawang pulis ay lumuhod din habang siya ay kinakausap.
Ayon kay Sister Ann Rose sa panayam ng Reuters, sinabi nito sa mga pulis na handa siyang mamatay at hindi tatayo mula sa pagkakaluhod kung hindi mangangako ang mga ito na hindi papatayin ang mga nagpoprotesta.
Nangako naman aniya ang mga pulis na magsasagawa lamang ito ng clearing operation sa daan kasunod ng kanyang panawagan.
Subalit taliwas ito sa nangyari dahil ilang sandali lamang ay dalawang nagkikilos protesta ang nasawi habang sugatan naman ang karamihan sa nagwewelga.
Tinatayang nasa 60 katao na ang nasawi sa kaguluhang nagaganap ngayon sa Myanmar habang higit 1,800 na ang nakulong.—sa panulat ni Agustina Nolasco