Tapusin na ang dynasty ng mga Ejercito-Estrada sa San Juan.
Ito ang layon sa pagtakbo ni San Juan Vice Mayor Francis Zamora bilang alkalde ng lungsod sa 2016 elections.
Ayon kay Zamora , nais lamang niya maging malaya ang San Juan mula sa pamilya Estrada .
Binigyang diin ni Zamora na dati namang maayos ang kanilang relasyon sa pamilya Estrada ngunit dumating aniya sa panahong ang lahat ng desisyon sa pamamahala sa lungsod ay gusto aniyang kunin ng pamilya Estrada.
Matatandaang ang ina ni Senador JV Estrada na si Guia Gomez ang kasalukuyang naka-upong alkalde ng San Juan.
Una rito, inanunsyo na rin ng nakatatandang Zamora na si Congressman Ronaldo Zamora na tatakbo ulit ito bilang kinatawan ng San Juan.
Ang mag-amang Zamora ay kasapi ng Nacionalista Party (NP).
By Ralph Obina | Jonathan Andal