Sinampahan ng reklamong large-scale estafa sa Department of Justice (DOJ) ng isang negosyante sa Cebu ang isang mag-asawa na nakabase sa Ormoc City, Leyte.
Sa isinagawang press conference ni Atty. Estrella Elamparo, legal counsel ng complainant na si Michelle Lim Go-Chu, inihain ang reklamong estafa laban sa mag-asawang Lorenzo at Jerlyn Baltonado, na may-ari ng L.M. Baltonado Construction, Inc. (LMBC), business contractor sa Ormoc, na kadalasang humahawak sa mga proyekto ng gobyerno.
“Our client is thus praying that she be afforded her constitutional rights and be allowed to initiate the subject criminal cases before the Honorable Office,” ayon kay Elamparo.
Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ni Go-Chu na ang kaso ay kaugnay sa mga loan na ipinagkaloob niya sa Baltonado couple simula pa taong 2016 para makatulong sa kanilang puhunan sa negosyo.
Ayon kay Elamparo, si Go-Chu at ang mga Baltonados ay mayroong long-standing personal at business relationship.
Sinasabing dahil may tiwala sa mag-asawa, pumayag si Go-Chu na pumasok sa written loan agreement.
Ani Elamparo, noong 2018 nagsimulang i-expand ang construction business ng LMBC at nagkaroon pa ng karagdagang pagkakautang ang mga Baltonados kay Go-Chu.
Sa layuning mapondohan ang kanilang mga proyekto ay nag-iisyu ng tseke ang complainant sa mag-asawa subalit pagsapit ng 2021 at 2022 ay nabigo nang makapagbayad ang mga ito.
“My client Michelle Go-Chu would issue the Baltonados checks to help them finance their projects. The agreement was they would pay her back within a short term and this went on without a problem until late 2021 to early 22 when the Baltonados defaulted on their payments and reassurances,” dagdag ni Elamparo.
Nabatid din ni Go-Chu na ginamit umano ng mag-asawa ang kanyang pangalan at mga inisyung tseke para makakuha pa ng dagdag na mga loan mula sa ibang creditors gaya na lamang ni Kaiser Christopher Tan, sa kabila ng bilin ni complainant sa mga ito na hindi pwedeng gamitin ang kanyang mga tseke para sa third parties.
Napag-alaman na patuloy ang Baltonado couple sa pag-loan gamit ang mga tseke ni Go-Chu dahilan para komprontahin na nito ang mga ito.
Bunga nito, kinansela din ni Go-Chu ang mga tseke na kanyang inisyu, kabilang ang mga nai-endorso na ng mag-asawa kay Tan.
Nagpasya si Go-Chu na maglabas ng Stop Payment Order (SPO) sa mga bangko kaya nang i-encash na ni Tan ang mga tseke ay hindi na ito kinilala ng mga bangko.
Sinabi ni Elamparo na hindi maaaring papanagutin ang kanyang kliyente sa kasong estafa na isinampa ni Tan dahil ang mga tseke ay hindi kinilala ng bangko dahil sa inilabas na SPO at hindi dahil sa kakulangan ng pondo.
Giit ni Elamparo, ang mga kasong isinampa ni Tan laban sa kanyang kliyente ay ibinasura na ng korte dahil sa kawalan ng merito, kasama umano rito ang mga kaso sa Lapu-Lapu, Naga at Danao.
Napawalang-saysay din aniya ang kasong isinampa ni Tan sa Mandaue pero may nakabinbin pang motion for reconsideration ukol dito.