(Updated)
Hinatulan ng parusang kamatayan ang mag-asawang employer na pumaslang sa Overseas Filipino Worker na si Joanna Demafelis.
Batay sa ulat, inilabas ng Kuwaiti court ang sentensya sa unang pagdinig pa lamang ng kaso ni Demafelis na natagpuan ang bangkay sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment.
Ang naturang hatol ay lumabas sa isinagawang “trial in absentia” makaraang hindi pumayag ang Lebanon at Syria na ma-extradite ang mag-asawang Nader Essam Assaf at Mona Hassoun.
Gayunman, posible pa umanong i-apela ng mag-asawa ang naturang sentensya sa oras na bumalik ang mga ito sa Kuwait.
Noong nakaraang Pebrero dinakip ang Lebanese-Syrian couple sa Damascus, Syria kasunod nang isinagawang manhunt ng Interpol.
Magugunitang ang pagkakapatay kay Demafelis ang naging mitsa sa magandang ugnayan ng Kuwait at Pilipinas kung saan nauwi pa ito sa pagpapatupad ng gobyerno ng departure ban para sa mga Pinoy na nagnanais pang magtrabaho sa naturang bansa.
Samantala, kinumpirma na rin ni Department of Labor Sec. Silvestre Bello III ang nasabing ulat.
Ayon kay Bello, nakausap niya si Philippine ambassador in Kuwait Saleh Ahmad Athwaikh kung saan ay bineripika nito sa kanya ang naging hatol sa employer ni Demafelis.
Ikinagalak din ni Bello ang mabilis na pag-usad ng kaso upang mabigyan ng hustisya si Demafelis.
Pagtanggal sa total deployment ban sa Kuwait
Dagdag ni Bello, posible na rin aniyang maging hudyat ang napaulat na pagpataw ng parusang kamatayan sa mag-asawang employer ni Joanna Demafelis para tuluyang matanggal ang ipinatupad na total deployment ban ng pamahalaan sa Kuwait.
Ipinaliwanag ng kalihim na handa siyang irekomenda mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang partial lifting ng total deployment ban ng mga overseas Filipino worker sa naturang bansa.
Sa ngayon ay pinaghahandaan na ng ahensya ang nakatakdang pirmahan sa kasunduan sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas sa Abril 4.