Umapela si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa mag-asawang Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres at Patricia Paz Bautista na makipagtulungan sa mga operatiba ng NBI o National Bureau of Investigation.
Kaugnay ito sa isiniwalat ni Ginang Bautista na nagkakamal umano ng humigit kumulang P1-B tagong yaman ang kaniyang mister at hindi idineklara sa SALN o Statement of Assets, Liabilities and Networth nito.
Ayon sa kalihim, pananagutan nila bilang mga lingkod bayan na imbestigahan at ipabatid sa publiko ang nasabing usapin upang mabatid ang katotohanan sa likod nito.
Magugunitang nagpalabas ng Department Order 517 si Secretary Aguirre noong Lunes na nag-aatas sa NBI na tingnan at siyasatin gayundin ang posibleng case build up hinggil sa naging pagbubunyag ni Ginang Bautista.