Isang mag-asawang Chinese ang naka-confine sa San Lazaro Hospital sa Maynila matapos makitaan ng mga sintomas ng novel coronavirus (2019-nCoV).
Ayon kay San Lazaro Hospital Spokesman Dr. Ferdinand De Guzman, nanggaling sa Wuhan ang mag-asawa at ipinasok sa ospital noong Biyernes.
Aniya, ang lalaking Chinese national ang nakitaan ng mga sintomas habang may ubo naman ang asawa nito.
Dagdag ni De Guzman, naipadala na rin sa Australia ang mga nakuhang samples sa dalawang pasyente para makumpirma kung merong 2019-nCoV ang mga ito.
Samantala, isa pang lalaking Chinese ang isinugod din sa San Lazaro Hospital matapos makitaan ng mga sintomas ng trangkaso pero nabatid na meron itong varicella o chickenpox.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na 11 persons under investigation para posibilidad ng nCoV infection ang kanilang binabantayan sa mga lugar sa Metro Manila, Mimaropa, Northern Mindanao, Western, Eastern at Central Visayas.