Posibleng maharap sa kaukulang kaso ang mag-asawang Overseas Filipino Workers (OFW) na umuwi ng bansa mula United Kingdom (UK) noong Disyembre 2020.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, posibleng makasuhan ng concealment o paglilihim ang dalawa dahil sa hindi nito pagdedeklara ng totoong impormasyon.
Mababatid kasi na umamin ang mag-asawa na hindi talaga sila kabilang sa mga locally stranded individuals (LSI).
At sa halip, nalaman na lamang na galing ang mag-asawa sa UK nang nakabyahe na ang mga ito pabalik sa kanilang lalawigan sa Iloilo nang magpositibo ang mga ito sa isinagawang COVID-19 test.
Sa huli, giit ni Roque na malinaw ang naging paglabag ng mag-asawa sa quarantine law na matagal na aniyang umiiral sa bansa. — ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)