Arestado ang mag-asawang hinihinalang miyembro ng Maute-ISIS group sa isang checkpoint sa Cagayan de Oro City.
Kinilala ang mga nadakip na si Eyadzhemar Abdulsalam alyas Medical Jihad at asawa nitong si Catherine Diane Palmitos.
Ayon kay Police Regional Office 10 Director Police Chief Supt. Timoteo Pacleb, si Abdusalam ay isa umano sa mga nagplano ng natuklasan at napigilang pag-atake sa piyesta ng Itim na Nazareno noong Enero.
Sinasabi ring nagpapadala ng medical supplies ang mag-asawa sa mga sugatang miyembro ng Maute-ISIS group sa kasagsagan ng Marawi siege at nangangalap din ng pondo para maibigay na suporta sa mga biyuda at anak ng mga napapatay na mga terorista.
Aktibo rin umano ang mag-asawa sa pagrerecruit ng mga dayuhan gamit ang social media para maging miyembro ng Maute-ISIS group.
Nakumpiska naman sa mag-asawa ang isang fragmentation grenade, isang kalibre .45 baril at mga bala.
—-