Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army ang mag-asawang itinuturong recruiter ng mga bata para maging mandirigma ng New People’s Army o NPA sa Kitcharao, Agusan del Norte.
Kinilala ni Lt. Colonel Glen Aynera, Commanding Officer ng 29th Infantry Batallion ang naarestong NPA recruiters na sina Luzviminda Apolinaria, 45-taong gulang, at Aladin Apolinaria, 49-taong gulang, kapwa mga miyembro ng NPA Party Branch.
Ang mag-asawa ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at Anti-Child Abuse Law.
Ito’y matapos silang isumbong ng dalawang sumukong menor de edad na ni-recruit din noon ng mga suspek.
Paalala ngayon ng militar sa mga magulang ingatan ang mga anak, lalo pa ngayong summer break para hindi ma-brainwash ng ideolohiya ng NPA.
‘Mga susuko dadami pa’—AFP
Samantala, kumbinsido ang militar na mas marami pang miyembro ng NPA at mga tagasuporta nito ang susuko sa mga susunod na araw.
Ayon kay Lt. Col. Emmanuel Garcia, Hepe ng Public Affairs Office ng Armed Forces of the Philippines o AFP, hirap na sa kanilang sitwasyon ang mga NPA dahil sa tuloy-tuloy na kampanya ng militar laban sa mga komunista.
Maliban dito, marami rin aniya ang nahihikayat sa mga programang inilalatag ng pamahalaan para sa mga nagbabalik-loob na mga rebelde.
Sa nagdaang dalawang buwan, napag-alamang nasa mahigit 2,000 nang miyembro ng NPA at mga taga-suporta ng grupo ang sumuko sa pamahalaan.
By Len Aguirre