Binabatikos ng mga netizen ang dating “bad boy” na ngayon ay politician na si Sen. Robin Padilla at ang kanyang asawang si Mariel Rodriguez dahil sa umano’y tila pabiro nilang pagtrato sa isang sensitibong isyu kaugnay sa consent sa loob ng kasal.
Sa isang social media post, ibinahagi ni Mariel ang isang larawan nila ni Sen. Robin na naghahalikan at may caption na, “Oh may consent yan ah.”
Sumagot naman dito si Sen. Robin ng, “Hello, babe, I’m in heat.”
Dinagdagan pa ito ng actress-TV host na nag-reply ng, “It’s a tie… I’m feeling hot hot hot.”
Matatandaang naging kontrobersyal si Sen. Robin matapos tanungin kamakailan sa isang senate hearing si Atty. Lorna Kapunan, isang women’s and children’s rights advocate, tungkol sa kasalukuyang kahulugan ng rape.
Ayon kay Atty. Kapunan, “no means no”, kahit pa sa konsteksto ng kasal.
Dito na kwinestiyon ni Sen. Robin ang naging tugon ng abogada.
Isang araw matapos ang senate hearing, ipinost na ni Mariel ang larawan nila ng kanyang mister na may caption na tila pasaring sa naging diskusyon tungkol sa consent.
Umani ang mga komento ng mag-asawa ng negatibong reaksyon mula sa mga netizen dahil nagpapakita umano ito ng kawalan ng respeto sa mga biktima ng karahasan. Anila, hindi dapat ginagawang biro ang isyung ito, lalo na’t may mga nagdurusa dahil sa marital rape.
Humingi naman ng paumanhin si Sen. Robin sa mga na-offend sa kanyang mga pahayag; ngunit nanindigan siyang wala siyang binanggit na pwedeng pilitin ng mister ang kanyang misis na makipagtalik kahit ayaw nito. Paglilinaw niya, “Ang punto ay kung ano ang pwedeng gawin ng asawang lalaki para maging legal ang paghingi ng sex ng isang lalaki at hindi maging rape.”