Hinatulang guilty ng Quezon City Regional Trial Court branch 216 ang mag-asawang sina Benito Tiamzon at Wilma Austria kaugnay ng kasong kidnapping na isinampa laban sa kanila.
Ito’y kasunod ng ginawang pagpapadukot umano ng mag-asawa sa apat na sundalo at isang miyembro ng Philippine Narcotics Command sa Quezon Province noong 1988.
Reclusion perpetua o pagkakakulong ng hindi bababa sa 40 taon ang iginawad na hatol ng korte laban sa mag-asawang Tiamzon maliban pa sa pagbabayad ng danyos sa mga biktima nito ng mahigit P200,000 kay Lt. Claro Asis.
Hunyo 1, 1988 nang dukutin sina lt. Clarito Santos, Oscar Singson, Rommel Salamanca at Abraham Claro Casis gayundin kay Sgt. John Jacob ng Philippine Narcotics Command na itinago ng 75 araw sa Mauban, Quezon.
Unang napalaya ang mag-asawang Tiamzon noong 2016 makaraang payagan ng korte sa Maynila na makapaglagak sila ng piyansa para makalahok sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF.
Tumatayo kasing consultant ng NDF ang mag-asawa na sakop ng joint agreement on safety and immunity guarantee (JASIG) na ipinawalang bisa rin matapos ibasura ng Pangulo ang peace negotiations sa mga komunista.