Hindi pa tapos ang laban para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kahit nahatulan nang guilty ang mag-asawang NDF consultants na sina Benito at Wilma Tiamzon.
Ito’y dahil sa patuloy pa ring nakalalaya ang mag-asawa mula nang ibasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF.
Gayundin ang pagpapawalang bisa sa joint agreement on safety and immunity guarantees (JASIG) na siyang ginagamit na lisensya ng mga lider komunista upang makapamuhay ng malaya.
Ayon kay AFP Spokesman Marine M/Gen. Edgard Arevalo, hindi sila titigil sa pagtugis sa mag-asawa hanggang sa maihatid muli sila sa rehas na bakal.
Kasunod nito, umapela si Arevalo sa iba pang lider komunista na talikuran na ang maling paniniwala at armadong pakikibaka.
Sa halip, hinikayat niya ang mga ito na yakapin ang dalisay na kapayapaan at kaayusan para sa bansang Pilipinas.