Dalawa ang patay sa sunog na sumiklab sa Ormoc City, Leyte.
Kinilala ang mga nasawi na sina Belen Sumalinog, 62- anyos at anak nitong si Lyndon Sumalinog Mendoza, 36- anyos.
Dakong alas-2 ng madaling araw kahapon nang sumiklab ang apoy sa bahay ng mga biktima sa Barangay Cogon.
Ayon sa Ormoc City Fire Station, na-trap umano ang mag-ina sa loob ng kanilang bahay.
Malaki na ang apoy nang magising ang mga kapitbahay kaya’t hindi na nasaklolohan ang mga biktima na walang kasama nang maganap ang insidente.
Dalawang bahay naman ang nadamay sa sunog na naapula dakong alas-4 ng madaling araw.
Aabot sa P1.8 million ang halaga ng mga naabo o napinsalang ari-arian habang inaalam na ang sanhi ng pagkalat ng apoy.