Sugatan ang mag-ina sa Catbalogan, Samar matapos silang mabundol ng kotse.
Ayon sa ulat, kababa lang ng ginang at ang sanggol nito na siyam na buwang gulang sa sinakyang tricycle nang salpukin sila ng kotse.
Damay sa insidente ang ilan pang sasakyan na nasa gilid ng kalsada na nasa harap pa ng Catbalogan police headquarters kaya nakita sa CCTV ang insidente.
Agad naman na dinala sa pagamutan ang mga biktima.
Umamin naman ang tsuper ng kotse na nakatulog siya kaya nabangga ang mga biktima.
Nakalabas naman na ang ina ng sanggol sa ospital pero nanatiling inoobserbahan ang sanggol.
Pinakawalan din agad ang driver matapos na pumayag na sagutin nito ang lahat ng gastusin sa pagamutan ng mga biktima at ayusin ang mga mga nasirang tricycle.—sa panulat ni Rex Espiritu