Handang harapin ni dating police general ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga kasong posibleng isampa laban sa kaniya ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde.
Ito ang reaksyon ni Magalong matapos magpasaklolo ni Albayalde kay dating justice Secretary Estelito Mendoza para maging abogado nito sa ikinakasa niyang mga kaso laban sa mga Heneral na nagdiin sa kaniya sa pagdinig ng Senado hinggil sa ninja cops.
Sa panayam ng DWIZ kay Magalong, kaniyang sinabi na ang hakbang ni Albayalde ay isang karapatan na kailangan niyang gawin upang depensahan ang kaniyang sarili.
Magugunitang si Magalong ang nagbunyag sa ginawang executive session sa Senado sa naging kapabayaan umano ni Albayalde sa ginawang operasyon ng mga dati nitong tauhan noong 2013 bilang siyang Provincial Director ng Pampanga PNP.
Wala po kaming magagawa dyan, kung ganyan yan naman po talaga ang pinakamagandang depensa niya palabasin niya kaming sinungaling pero mismong taong bayan na lang, senado ang makapagde-determine kung sino nagsisinungaling samin. Sana naman mag isip-isip din si Atty. Mendoza, pati siya siguro kung manood lang siya, kung ano ba talaga mga body language namin at sino ang nagsasabi ng totoo but anyway ganun talaga para palabasin yan na talagang nagsisinungaling kami magpatong siya ng kaso, konsensya na lang siguro,” ani Magalong.
Nanindigan si Magalong na kahit substantial evidence lang ang pinanghahawakan laban kay Albayalde, tiwala siyang papanigan pa rin ito ng korte dahil sa maraming mga personalidad ang magpapatotoo sa mga alegasyon laban sa PNP Chief.
Mas malakas naman yung pinanghahawakan namin kesa sa kanya, at the end of the day malalaman naman ng korte kung sino ang nagsisinungaling samin sabihin na lang po natin hypothetical matalo kami dahil mas marami siyang pera samin okay lang po yun maski makulong kami, kasi alam po ng taumbayan, alam po ng senado na nakipaglaban po kami para sa katotohanan,” ani Magalong.
Sa huli, sinabi ni Magalong na ang kaniyang naging hakbang ay hindi personal na pag-atake kay Albayalde kung hindi, upang itama ang maling sistemang kinagisnan ng PNP.
Lagi kong sinasabi na this is a fight between good and evil, it’s a matter between right or wrong, ganyan talaga nakikipaglaban ka sa katarungan, nakikipaglaban ka sa mga kabataan na nabiktima nung pagbenta uli nila, pagbalik nila nung 160+ na droga, nakikipaglaban kami sa mga pulis na nagtatrabaho ng tapat, nakikipaglaban kami para sa Philippine National Police. Nakita niyo naman siguro pati character ko inatake pa eh, kung ano pa pati background inatake pa; character mo inatake pa. Tignan niyo lahat ng interviews ko inatake ko ba sila, hindi, I just stick to the issue, doon lang ako sa issue,” ani Magalong. — sa panayam ng IZ Balita Nationwide