Tumulong na si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa pagpapaigting ng isinasagawang contact tracing laban sa pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Cebu City.
Ito ay kasunod ng patuloy na pagdami pa rin ng COVID-19 cases sa lugar.
Nagtungo na si Magalong, kasama ang kanyang team, sa Cebu City at nagsawa umano ng seminar sa nasa mahigit 70 police officers, sundalo at mga medical workers hinggil sa ‘enhanced cognitive investigation’, na syang ginamit sa Baguio City upang malabanan ang virus.
Ayon kay Magalong, maaari nang makabuo ng 14 contact tracing teams mula sa naturang bilang ng mga personnel na dumalo sa seminar.
Ibinahagi rin ni Magalong ang mga teknolohiya na ginamit ng kanilang lungsod, gaya ng e-system with data collection, geographical information system, at link analysis, sa paglaban sa paglaganap ng COVID-19.
Dagdag pa nito, kinakailangan aniya na dalawang COVID-19 patients lamang ang hahawakan ng bawat contact tracing team upang mas maging epektibo ang sistema.
Magugunitang itinuring na isang model local government unit (LGU) ang Baguio City dahil sa pagpapanatiling mababa ang kaso ng COVID-19 sa lugar.