Nagsimula nang ibahagi ng grupo ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang sistema nito ng contact tracing para sa mga nakahalubilo ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Cebu City.
Ipinabatid sa DWIZ ni Magalong na halos 70 katao ang tuturuan ng kaniyang grupo para sa epektibong contact tracing sa lungsod bilang hakbangin na rin na huwag nang kumalat pa ang nasabing virus sa lalawigan ng Cebu.
Siguro nakita nila na effective na pwede rin namang magamit din dito sa Cebu City although alam naman natin na magkaiba ang sitwasyon nila dito at sitwasyon namin sa Baguio, siguro minarapat nilang tignan kung magiging epektibo yung aming sistema dun, contact tracing so, ito yung pinapamahagi namin ngayon sa mga bago nilang team kasi at the average of about 80 to 90 positive cases a day dito lang sa Cebu City siguro kailangan na din magdagdag ng mga things kaya inimbita nga ako magturo,” ani Magalong.
Sinabi pa ni Magalong na bahala na ang mga nasabing team na magturo na rin sa iba pang grupo sa iba’t-ibang munisipyo ng Cebu Province hinggil sa sistemang ikakasa sa contact tracing.
Ang mangyayari dito tuturuan muna namin ‘to, ito yung mga gagawin nilang call group, sa kanila ika-cascade sa ibang mga munisipyo although halo-halo na ‘to, hindi lang ‘to Cebu City meron ding Lapu-Lapu, meron din sa ibang munisipyo pero hindi naman talaga pwedeng maramihan kasi kung hindi baka bigla kaming magsiksikan doon kaya talagang maximum na yung 76 na pwedeng turuan muna,” ani Magalong. — panayam mula sa Balitang Todong Lakas.