Nilinaw ng Malacañang na walang mababago sa magandang relasyon ng Pilipinas at China.
Ito’y sa kabila ng paggiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa United Nations sa arbitral ruling na pabor sa bansa kaugnay sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, noon pa man ay nananatili na ang posisyon ng pangulo na igigiit niya ang ruling ng korte sa tamang panahon at pagkakataon.
Gayunman, wala naman aniyang layon ang Pilipinas na makipag-away sa China bagama’t isusulong ang mga bagay-bagay na pwedeng isulong sa ngayon.
Sinabi ni Roque na hindi naman ang China lang ang naghahabol sa WPS ngunit maganda naman ang mga bilateral relation ng Pilipinas sa mga bansang naghahabol din sa pinag-aagawang teritoryo.