Hindi palalampasin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nabunyag na magarbong Christmas party ng mga opisyal at kawani ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office.
Iyan ang pagtitiyak ng Malakaniyang matapos ang naging pagbubunyag ni DWIZ Anchor at PCSO Board Member Sandra Cam na gumastos umano ng 10 Milyong Piso ang PCSO para sa kanilang Christmas party na ginawa sa isang mamahaling hotel sa Mandaluyong City.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw naman ang polisiya ni Pangulong Duterte na hindi nito kinukonsinte ang paglustay ng pondo ng bayan para sa mga magagarang pagdiriwang.
Naniniwala si Roque na ipasisilip ng Pangulo ang nasabing pagbubunyag ni Cam lalo’t sensitibo aniya ang punong ehekutibo sa hinahing ng taumbayan.
Magarbong Christmas party umano ng PCSO, idinepensa
Dumipensa ang pamunuan ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office sa naging pagbubunyag ni DWIZ Anchor at PCSO Board Member Sandra Cam.
Kaugnay ito sa magarbong Christmas party ng ahensya sa isang mamahaling hotel sa Mandaluyong City na nagkakahalaga ng sampung Milyong Piso.
Paliwanag ni PCSO General Manager Alexander Balutan, anim na Milyong Piso lamang ang inilaan nilang pondo para sa nasabing okasyon.
Aprubado aniya ito ng Department of Budget and Management gayundin ng PCSO board kung saan miyembro si Cam.
Giit ni Balutan, hindi maituturing na magarbo ang nasabing okasyon dahil ginastos ang naturang halaga para sa 1500 kawani ng PCSO sa buong bansa.
Binigyan diin din ni Balutan na kasama sa nasabing halaga ang pagbibigay ng bonus sa mga kawani nilang hindi nakatanggap nito makaraang bawasan ng Kongreso ang kanilang pondo.