Dumipensa ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO sa naging pagbubunyag ni DWIZ anchor at PCSO Board Member Sandra Cam.
Kaugnay ito sa magarbong Christmas Party ng ahensya sa isang mamahaling hotel sa Mandaluyong City na nagkakahalaga ng sampung (10) milyong piso.
Paliwanag ni PCSO General Manager Alexander Balutan, anim na milyong piso lamang ang inilaan nilang pondo para sa nasabing okasyon.
Aprubado aniya ito ng Department of Budget and Management o DBM gayundin ng PCSO Board kung saan miyembro si Cam.
Giit ni Balutan, hindi maituturing na magarbo ang nasabing okasyon dahil ginastos ang naturang halaga para sa 1,500 kawani ng PCSO sa buong bansa.
Binigyan diin din ni Balutan na kasama sa nasabing halaga ang pagbibigay ng bonus sa mga kawani nilang hindi nakatanggap nito makaraang bawasan ng Kongreso ang kanilang pondo.
—–