Pag-aaralan ng Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated (PMAAAI) sa susunod na linggo ang pagsasampa ng kasong libelo, administratibo at kriminal laban sa brodkaster na si Erwin Tulfo.
Kasabay ito ng mariing pagkondena ng organisasyon sa naging magaspang na pananalita ni Tulfo laban sa kanilang kabaro na si DSWD secretary Rolando Bautista.
Ayon kina PMAAAI spokesman Col. Noel Detoyato, President Police Col. Arthur Binsar at immediate past president Police Brig. Gen. Rodolfo Azurin, hindi tama at mas lalong hindi katanggap-tanggap ang pambabastos ni Tulfo kay Bautista.
Iginiit ni Detoyato, itinuturing ng PMAAAI si Bautista bilang isang makatao, maka-Diyos at may puso sa mga kapwa sundalo na nasa field.
Magugunitang binanatan ni Tulfo si Bautista makaraang hindi ito sumagot sa mga isyung inilalapit dito ng kanyang programa kung saan sinabi pa ng brodkaster na kanyang ingungudngod ang kalihim sa palikuran.
with report from Jaymark Dagala (Patrol 9)