Nagpakawala na ng tubig ang Magat dam matapos ang tuloy-tuloy na pagtaas ng water level nito dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan na dala ni tropical depression Vicky.
Ayon sa PAGASA-Tuguegarao at Isabela Provincial Disaster Risk Reduction And Management Council, apat na gate ng Magat dam ang binuksan dakong alas-4:00 ng hapon, kahapon.
Base sa ulat, umabot na sa 191.86 meters ang lebel ng tubig sa dam at malapit na sa 193 meters na spilling level nito.
Samantala, pinaalalahanan naman ng National Irrigation Administration (NIA) ang mga lugar sa Isabela na posibleng maapektuhan ng pagpapakawala ng tubig ng magat dam.
Ilan sa mga lugar na ito ang Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguilian at Gamu.
Kaugnay nito, sinabi naman ni PAGASA Hydrologist Edgar Dela Cruz, na may posibilidad na magpakawala din ng tubig ang iba pang mga dam sa Luzon, partikular na ang Angat dam dahil sa patuloy na pagtaas ng water level.
Samantala, inihayag ng PAGASA na dakong alas-8:00 kagabi nang mag-landfall sa bisinidad ng Puerto Princesa, Palawan si bagyong Vicky.
Isinailalim naman sa signal no. 1 ang mga lugar ng Northern at central portions ng palawan na kinabibilangan ng Araceli, Dumaran, Taytay, El Nido, San Vicente, Roxas, Puerto Princesa City, Aborlan, Narra, Quezon At Sofronio Espanola, kasama na ang Calamian, Cuyo, At Kalayaan Islands.