Nagbabala ang PAGASA hydrometeorology division – flood forecasting and warning section kaugnay sa inaasahang pagbaha sa ilang lugar sa Isabela.
Batay sa kanilang ipinalabas na flood forecasting and warning system for dam operation, kaninang alas 9:00 ng umaga, dalawang gate ng Magat dam ang nananatiling bukas sa tatlong metro.
Anila umaabot sa 697 cubic meters per second ang inilalabas na tubig mula sa dalawang nabanggit na gate ng magat dam.
Sa pinakahuling tala, nasa 189.14 meters ang antas ng tubig sa dam, mas mababa sa spilling level nito na 193 meters above sea level.
Gayunman, inaasahan ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa bahagi ng dam at watershed nito bunsod ng umiiral na tail end of frontal system na nakakaapekto sa Northern at Central Luzon.
Kabilang sa mga inaasahang maaapektuhang lugar sa Isabela ang mga munisipalidad ng Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuaan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguilian At Gamu.