Pinaghahanda ng PAGASA ang siyam (9) na bayan sa lalawigan ng Isabela sa posibleng epekto ng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam matapos bumuhos ang ulan dulot ng Bagyong Rolly.
Kabilang sa mga bayang ito, ayon kay Engineer Maximo Peralta, Assistant Weather Services Chief ng Hydrometeorology Division, ang ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuna, Luna, Reina Mercedes, Naguilian, Burgos at Gamu na pawa aniyang malapit sa Magat River.
Sinabi ni Peralta na isang gate lamang ng Magat Dam ang bubuksan na maglalabas ng tubig ng hanggang 2-metro.
Kailangan aniyang magbukas ng gates ng Magat Dam kapag may bagyo dahil mabilis tumaas ang tubig dito.
Water level ng mga dams sa Luzon
Nadagdagan ang antas ng tubig sa Angat Dam at iba pang dam sa Luzon sa nakalipas na magdamag.
Ayon sa hydrometeorology division ng PAGASA, nasa 201.78 meters ang water level sa Angat Dam kaninang alas-6 ng umaga kumpara sa 200.67 meters kahapon.
Nadagdagan din ang antas ng tubig sa Ipo Dam gayundin sa Ambuklao, Binga, San Roque, Magat at Caliraya dams.
Nabawasan naman ang water level sa La Mesa Dam, samantalang nananatili ang antas ng tubig sa Pantabangan Dam.