Ipagbabawal na ng Commission on Election (COMELEC) Manila na manatili ng magdamagang pila ang mga magpaparehistro para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay Atty. Gregorio Bonifacio, chairman ng Comelec Manila, itoy bilang proteksyon sa mga kabataan at maiwasan na magkaroon ng COVID-19.
Aniya, inagahan na lamang nila ang oras ng pagpipila kung saan magsisimula ng alas-5 ng umaga at magbubukas naman ang pagpaparehistro ng alas-8 ng umaga.
Sinabi pa ni Bonifacio na patuloy pa rin ang voters registration Comelec Arocerros para sa lahat ng barangay ng 2nd District ng Manila.
Ang mga barangay naman sa 1st at 4th District na nais magparehistro ay ginagawa sa SM Manila, 5th District sa Robinsons Place Manila, 6th District sa Robinsons Otis at mga residente ng 3rd District na nais magpatala ay ginagawa sa lucky Chinatown Mall at SM San Lazaro.
Samantala, nakatakda naman ang huling araw ng pagpaparehistro para sa BSK bukas, 23 ng Hulyo.—mula sa ulat ni Aya Yupangco (Patrol 5)