Kumpiyansa ang Malacañang na patas ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang tanggapin nito ang rekomendasyon ng binuong joint task force para sa rehabilitasyon ng Boracay island.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, batid aniya ng Pangulo kung ano ang gagawin nito at tiyak na gagawa ito ng desisyon batay sa kung ano aniya ang nararapat para sa isla.
Binigyang diin pa ng kalihim, ikinokonsidera rin aniya ng Pangulo ang kapakanan ng maliliit na negosyo at kanilang manggagawa na siyang tatamaan ng naka- umang na pansamantalang pagpapasara sa isla.
Magugunitang inirekomenda ng Joint Task Force bora sa pamumuno ni Environment Secretary Roy Cimatu na ipasara sa loob ng isang taon ang isla ng Boracay upang mabigyan ito ng pagkakataon na makahinga at mapanumbalik ang dating ganda nito.
—-