Pagbobotohan ngayong araw na ito ika 27 ng Hulyo ang magiging minority leader ng 17th Congress.
Ayon kay Northern Samar Representative Raul Daza, ang mga mambabatas na bumoto ng abstain o hindi bumoto para kay House Speaker Pantaleon Alvarez at ang De Facto Members ng Minority Bloc ay magpupulong mamayang alas-10 ng umaga para pumili ng kanilang lider.
Matatandaang 20 mambabatas ang nag-abstain sa pagboto para sa House Speakership.
Walong legislators naman ang bumoto sa Second Placer na si Ifugao Representative Teddy Baguilat, habang 7 boto ang nalikom ni Quezon Representative Danilo Suarez.
Matatandaang una nang inihayag ni Majority Floor Leader Rudy Fariñas na lahat ng hindi bumoto sa nanalong House Speaker ay kailangang muling magbotohan para sa kanilang kikilalaning Minority Leader.
Bagay na kinontra ni Baguilat sa pagsasabing ang pangalawang nakakuha ng pinakamataas na boto sa pagka-House Speaker ang siyang dapat na otomatikong tatayo bilang lider ng Minority Bloc, pero sa pagpasok ng 17th Congress ay sapilitan aniyang binago ang Rules.
By: Meann Tanbio